Friday, July 23, 2010

Novena Mass Reflection Day 5 :Ignatius at Jerusalem


Unang Bahagi.
Kapag nagleleybor ang buntis, hindi ‘yan makatitiis…

Nagpunta si Ignacio sa Jerusalem. Ang dahilan… gusto niyang mapuntahan ang pinagmulan ng pananampalatayang Kristyano, ang lugar kung saan mismo isinilang ang panginoong Hesus. Marahil, bukod sa gala lang talaga si Ignacio, e romantiko rin siyang dito niya gustong ipanganak, isilang ang pagyabong ng kanyang bokasyon. Gaano karomantiko si Ignacio sa bahaging ito? Bukod sa gusto niyang puntahan kung saan isinilang si Kristo, gusto rin lang naman niyang makita pati ang lugar ng asensyon ni Kristo at pati na kung saan nakaturo ang kanyang mga paa nito nang umakyat siya sa langit. Pati kung saan nakaturo ang paa ni Kristo nang umakyat siya sa langit ha. Hardcore. OC.

Pero siyempre, hindi ito naging madali sa ating bida. Bakit? Nandyan ang mga Turko na sumakop sa Jerusalem nung panahong iyon kaya hindi basta-basta makapangaral hinggil sa Kristyanismo. Bukod pa rito, e nariyan ang mga Franciscano na kumausap kay Ignacio na kung gusto niyang lumalim pa nang husto ang kanyang ispiritwalidad, e pumunta siya sa Roma, at huwag maging labis na mapangahas na mangaral hinggil sa Kristyanismo sa Jerusalem dahil baka magalit ang mga Morong Turko at ‘di na nila payagan pang makapunta ang mga Kristyano sa banal na bayan. Sa madaling sabi, itinaboy nila si Ignacio.

Sa isang banda, mukhang bigo si Ignacio sa kanyang layunin sa Jerusalem. Bigo sapagkat hindi niya naisilang ang paglago ng kanyang ispiritwalidad sa lugar kung saan niya ito nais isilang.

Kabiguan o di-mapipigilang pagsilang? Kapag nagleleybor ang buntis, hindi ‘yan makatitiis… magsisilang at magsisilang ‘yan. Sa taxi, sa dyip, sa bahay, sa ospital, sa traysikel, sa kariton, sa traysikad, sa arinola… kahit saan, kung nagleleybor ang buntis, hindi ‘yan makatitiis… magsisilang ‘yan. Ganyan marahil ang nagyari sa ispiritwalidad ni Ignacio. Hindi man sa pinakaninanais niyang lugar ito isilang, hindi niya ito mapipigilang ipanganak. Tulad ng isang inang nagdadalantao, kahit hindi sa pinakamahusay na ospital ipanganak ang kanyang supling, ayos lang. Ang mahalaga, buhay ito, masigla at malusog. Hindi man sa Jerusalem, ang mahalaga, isinilang ang bokasyon ni Ignacio, buhay ito, at patuloy na lumago.

Ikalawang Bahagi.
Ano ang higit na mahalaga? Jerusalem o ang layuning paglagong pang-ispiritwal ni Ignacio? Ospital? O ang panganganak nang ligtas, buhay, at malusog?

Kung iuugnay ito sa sariling pagninilay, maaaring maihambing ang Jerusalem sa mga panagarap ko. Samantalang ang dahilan naman ng pagpunta ni Ignacio sa lugar na ito ay maihahambing ko naman sa mga sariling dahilan kung bakit ako nangangarap.

Ano ang aking Jerusalem?

Maging presidente ng Pilipinas! ‘Yan talaga ang pangarap ko. ‘Yan ang Jerusalem ko. Ang dami kong pinagdaanan para marating sana ang pangarap na ‘yan.
Sumali ako sa mga organisasyon sa paaralan ko nung ako ay nasa elementarya at sekundarya. Naging pangulo ako ng student government ng aming paaralan. Namuno ako sa maraming mga gawaing pampaaralan na magbibigay ng higit na kaginhawahan at kaayusan ng katayuan ng mga kapwa ko mag-aaral noon.

Bukod dito, galing din ako sa pamilya ng mga politiko. Naging kapitan ng Baranggay ang lolo ko (sumalangit nawa) at baranggay tanod naman ang isa kong tiyuhin. Mabibigat talaga ang pusisyon ng mga kamag-anak ko sa pulitika!

Naisip ko, kung talagang gusto kong maging pangulo, mabuting kumuha ako ng law sa kolehiyo upang maihanda ako nang maigi. Pero may mga turko at Franciscano rin sa buhay ko. Ang pinakamalaking hadlang, kahirapan. Ni hindi ako sigurado kung mapag-aaral ako ng magulang ko sa kolehiyo. Kung gaano kahirap, mahabang kwentuhan ‘yan. Basta ganito ang kalagayan ko dati, sa iskwaters area kami nakatira, na noong una’y wala kuryente (sa loob ng isang taon) at wala kaming kubeta (sa loob ng isa’t kalahating taon at kailangan mong tiisin ang sakit ng tiyan at maglakbay ng kalahating kilometro para makadumi nang matiwasay sa bahay ng tiyahin ko). Sa madaling-sabi, kailangan kong bitawan ang aking Jerusalem.

Pero katulad ni Ignacio, hindi puwedeng hindi ko ito maisilang. Binalikan ko ang dahilan ng aking Jerusalem, ang dahilan ng aking pangrap, ang dahilan kung bakit ko gustong maging pangulo. At ito ay ang aking sariling krusada sa paglaban sa kahirapan. Sawa na akong maging mahirap at alam kong ito rin ang nararamdaman ng karamihan sa bayang ito. Ito ‘yung pinagbubuntis ko, ito ‘yung gusto ko sanang maipanganak sa sarili kong Jerusalem. Pero hindi ko nalasap, ni bahagyang narating ang aking Jerusalem.

Hindi man ako naging pangulo, nagguro ako (sa paaralang humuhubog sa magiging pinuno ng bayan). Upang hindi mamatay o masayang ang mga adhikaing naging dahilan ng aking Jerusalem.

At katulad ng nagleleybor na buntis… hindi rin ako makatitiis na hindi ito maisilang. Kung hindi man sa mahusay na ospital, kahit sa dyip o sa traysikel o sa kariton ko ito isilang. Ayos lang. Basta buhay at masigla. …Kahit hindi sa Jerusalem.

Bok Pioquid
CSIP