Ang buhay ni San Ignacio sa Azpeitia, Guipozcoa, Hilagang Espanya ay masasabing marangya at napupuno ng kasiyahan.
Lumaki siya na may patutunguhan at may pangarap para sa sarili.
Pero tumigil ito nang tamaan siya sa paa ng canon ball.
Ang canon ball na siyang nagdala sa kanya sa daan na ginawa para sa kanya.
Ang canon ball– minsan ito’y nagsisilbing pampagising. Minsan inaakala mo na ito’y isang trahedya, pero malaki ang kabuluhan sa ating buhay.
Masakit pero hindi natatapos doon ang lahat, maaring ‘yun lamang ang umpisa. Tulad ni San Ignacio ay may sarili rin akong patutunguhan at pangarap.
Sabi ko sa sarili ko ngayong taong ito, magiging pokus ako sa aking mga
plano.
Makabili ng sariling bahay, makabili ng laptop, ang mag-aral muli at kumuha ng Masters, pati ang pagkakaron ng kasintahan ay naplano na.
Pero may nangyari sa buhay ko na nakapagpagising sa akin.
Tulad ni San Ignacio may “canon ball” na tumama saken.
Nagkasakit ang aking ina.
Nakitaan siya ng bukol sa kanyang rectum.
Ayon sa doktor kailangan daw siya maoperhan para hindi ito maging sanhi ng mas malala pang sakit, ang colon cancer. Naging sanhi ito ng maraming pagbabago sa akin at sa aking pamilya, nadagdagan ang gawaing bahay, nagkaproblema sa pera, nagkaalitan ang magkakapatid, nagkatampuhan kaming mga magkakamaganak. At higit sa lahat hindi na natuloy ang pagkakaroon ko ng kasintahan.
Samakatuwid, nasira na ang aking mga
plano. Napakabigat sa pakiramdam.
Ngunit ang sitwasyong ito ay nakapagpamulat sa akin sa maraming bagay, marami pang bagay pala na mas mahalaga.
Sa sitwasyong ito natagpuan ko ang aking sarili na nagdarasal. Kailangan ko magdasal yun ang sabi ko sa sarili ko, kailangan ko ng Kanyang gabay, dahil malapit na ko bumigay. Sa bawat oras na nasa ospital kami nakita ko ang presensiya ng Diyos. Sa bawat araw na naghahanap kami ng pinansiyal na suporta, nakita ko ang Diyos sa aking kapwa. Nakita ko rin ang kahalagahan ng pagkakaisa at pagmamahalan naming magkakapatid, kahalagahan ng pamilya, kahalagahan ng pagpapasensiya at pang unawa, at ang pinaka importante ang kahalagahan ng oras at ng buhay. Hindi nga naisakatuparan ang aking mga plano, pero may mas mahalagang di nawala, ang buhay ng aking Nanay. Minsan may nangyayari sa buhay mo na hindi mo gusto, na hindi mo inakala. Huwag mo itong ituring na kamalasan o masama, o dahil pinaparusahan ka. Kasi ito’y maaring isang daan upang akayin ka Niya sa direksyon na kung saan dapat ka tumungo, na tumigil ka at magbalik loob sa Kanya. Ang magpatuloy sa buhay, na huwag bumitaw sa pananampalataya.
Marami pang “canon ball” na darating. Marami pang pampagising ang Diyos na ating mararanasan, habang patuloy tayo sa paglalakbay at pag diskubre ng nakalaang misyon ng Diyos para satin.
Chona A. Glodo
Testing and Research Office Staff