Thursday, July 22, 2010

Novena Mass Reflection Day 4 :Ignatius at Manresa

Naglalakbay noon si Ignacio patungong Barcelona nang siya’y napadaan sa isang ilog na pangala’y Cardoner sa bayan ng Manresa. Mayroon doong kuweba. Sumilong siya roon ng ilang araw ngunit di niya akalaing lalagi pa siya ng sampung buwan. Sa kuwebang iyon, ibinigay ni Ignacio ang kanyang sarili sa matinding pagdarasal at pagsakripisyo. Doon niya isinulat ang kanyang Spiritual Exercises. Sa tabi ng Cardoner, nagkaroon ng pangitain si Ignacio. Ang pangitaing iyon ay tuwirang nakapagbago ng kanyang pananaw sa buhay at sa ugnayan nito sa ibang nilalang. Mula noon, mas nakita niya ang lahat ng bagay, pangyayari at tao sa kasaysayan ng mundo na may hayagang ugnayan sa Diyos na may likha ng lahat. Bagama’t habambuhay itinago ni Ignacio ang patungkol sa yaong pangitain, maraming naniniwala na ang Diyos mismo ang kanyang nakita’t nakatagpo sa panahong iyon.

Maganda ang karanasan ni Ignacio sa Manresa. Mas nakilala niya ang Diyos at ang kanyang sarili. Ngunit hindi niya piniling manatili doon habambuhay. Ang manlalakbay na Ignacio ay umalis ng Manresa at ipinagpatuloy ang kanyang paglalakbay. Oo, mas nakilala niya ang Diyos at ang kanyang sarili sa Manresa ngunit nakilala rin niya ang plano ng Diyos sa kanyang buhay.

Naalaala ko, noong papatapos na ang aking 30-day retreat sa Sacred Heart Novitiate, nakaramdam ako ng munting kalungkutan nang mawari kong magtatapos na itong katahimikan. Ngunit naranasan ko rin ang matinding pananabik na bumalik sa mundo upang subukang gawin ang kanyang kalooban. Gaya ng Manresa, at tulad ni Ignacio, inihanda ako ng Diyos sa loob ng tatlumpung araw sa Sacred Heart Novitiate.

Kasagsagan noon ng pagputok ng mga balita tungkol sa napakaraming iskandalo ng simbahan at ng mga pari nito. Hindi ko makakalimutan noong tinanong ako ng aking superior, Madz, hindi maganda ang itsura ng Simbahan ngayon, maraming iskandalo itong hinaharap, may mga lumalabas sa pagpapari at halos wala na, sa mga kabataan, ang may nais na maging tulad natin.

Kaya ako narito, sagot ko, kung parang isang napakalaking barko na lumulubog ang Simbahan ngayon, kalooban ng Diyos na ako’y manatili anuman ang mangyari. Kahit hindi ito madali, dahil naniniwala ako sa kanya, ako’y tatalima.

Mahalaga ang mga Manresa ng ating buhay. Para itong mga ”stop-overs” kung saan naririnig natin ng malinaw ang ating Diyos sa pamamagitan ng pakikinig sa ating sarili. Dito natin naalaala ang mga kwento ng Diyos sa ating buhay, kung paano niya tayo minamahal. At dito natin nalalaman ang kanyang kalooban.

Bro. Madz Tumbali, SJ
CMO/ Araling Panlipunan