Magandang umaga, mga Atenista. Ako si Chot, mula sa klaseng 4B, ang inyong Sanggu Chairman. At nagpapasalamat ako sa APFor sa pagkakataong itong manguna sa pagninilay, sa umagang ito ng pangalawang araw matapos ang ating sembreak. At malamang kaisa ko kayo sa pagsabing,
“Bitin!”, “Nakakatamad pa.”, “Ang ikli naman.”, “SEMBREAK BA ‘YON?”. Kahapon, kinukwenta ko kung gaano nga ba talaga kahaba (o kaikli) yung “bakasyong” kalilipas lamang. Pitong araw lang. Kaso, isa doon sa pito, nagamit sa kakatrabaho para sa mga nakatambak na proyekto at gawaing bahay sa iba’t ibang asignatura at, para naman sa mga guro, sa pagwawasto ng mga proyekto’t pagsusulit ng mga mag-aaral.
Isa pang araw naman para sa pagpunta sa probinsya para bisitahin ang puntod ng mga sumakabilang-buhay na kamag-anak at mahal-sa-buhay. At ang dalawa roon, ang Sabado at Linggo, ay talaga namang wala dapat pasok. At para sa mga guro naman, maaari pa sigurong mabawasan ng isa pa, gawa ng pamamahinga nang isang buong araw matapos ang pagod at saya sa mga pangyayari noong Delaney-Duffy Day rito sa Ateneo at sa Trinoma.
Pitong araw nga ba? Mukhang hihirit ang karamihang mga tatlo o dalawang araw lang siguro. Mukhang bitin nga.
Ngunit, bago niyo pa ako tulugan sa limang minutong nakalaan para sa pagninilay na ito, sa pagnanais ninyong pahabain pa ang sembreak na bitin, hinihiling ko sa inyo na gumising! Gising na tayo, mga kapatid kong Atenista! Kalahati pa ng taon ang hinaharap nating lahat! At kung sa limang minutong ito, ay hindi mo pa makuhang buhayin ang sarili, baka maiwanan ka ng mabilis na paglipas ng panahon. Kalahati NA LANG ng taon ang natitira. Halos kulang na nga sa kalahati ng taon. Ngayon, kung ang buong taong ito ang titingnan natin at hindi ang sembreak lang, malamang masasabi natin nang mas seryoso na mukhang bitin nga ‘ata.
Bitin. Sa pagkakataong ito, mabuti sigurong lumingon at tingnan ang mahabang landas na tinahak natin sa nakaraang mga buwan ng taong-aralang ito. Mahalaga rin sigurong timbangin natin ang ating mga sarili sa puntong ito: Ginawa ko na ba ang lahat ng makakaya ko bilang mag-aaral ng paaralang ito?
Maya-maya ri’y sasagutan na natin ang mga ebalwasyon para sa mga guro natin. Dahil sa ebalwasyong ito, natatauhan tayong pati pala ang ating mga guro, nagsisikap ding pagbutihin parati ang kanilang pagtuturo sa atin. Tayo mismong mga tinuturuan nila ang tinatanong nila ngayong nangangalahati na ang taon ng, “Kumusta ba? Ano ba ang palagay mo sa pagsisikap kong hubugin ka?” Tulungan sana natin silang makalap at mabasa ang mga kailangan nilang malaman, ang mga hinihingi nilang malaman mula sa atin.
Naaalala ko tuloy ang huling sesyon natin bago mag-sembreak, ang Delaney-Duffy Day. Sa sesyon nating iyon, ipinaramdam natin sa mga guro ang ating pagpupugay at pasasalamat sa kanila. Ipinadama natin sa kanila kung gaano natin sila pinahahalagahan. Sinikap natin silang pasayahin; sinikap nating patabain ang kanilang mga puso. Marahil, napasaya natin sila, kahit paano. Pero hindi nila iyon hinihingi. Pagkukusa natin ‘yon.
Ngayon, itong evaluation ang talagang hinihingi nila mula sa atin. Gawin
Ang hantungan ng mga evaluation forms na ito ay ang mismong mga guro natin. Hindi ang Punong-Guro o ang Pangulo ng Pamantasan. Hindi uubra ngayon ang ating mga walang-basehang pambobola o paninira sa kanila. Sila mismo ang babasa nito. At matatalino ang mga guro natin. Naitatangi nila ang mga sagot na may katuturan mula sa wala. Kaya huwag sana nating sayangin ang pagkakataon itong makatulong sa kanila sa pagsisikap nilang maunawaan tayo at paghusayin pa ang paglilingkod nila sa atin.
Isa lamang ito sa mga pamamaraan upang maabot ng mga guro natin ang mithiing nais din nating abutin – ang gawing mas mayaman, masaya at makabuluhan ang bawat minutong pamamalagi natin sa loob ng silid aralan. Gamitin nating lahat ang pagkakataong ito para pasalamatan at pahalagahan ang lahat ng natanggap natin sa mga nakaraang buwan dito sa Ateneo, at magbigay-pugay sa pamamagitan ng paglalahad ng mga mungkahi para sa ikabubuti pa ng ating samahan bilang guro at estudyante.
Nangangalahati na tayo, at sa mga pagkakataong ganito, karaniwang ginagamit ang kasabihan tungkol sa basong may laman: “Is the glass half full or half empty?” Ikaw ba ‘yung taong nakatingin lang parati sa bahaging walang laman, o sa bahaging may laman?
Isa pang pagmumuni: “Is the glass half full or half empty?” Hanggang ngayon, hindi ko alam kung bakit hindi na lang inumin ng kung sino mang nag-imbento ng kasabihang ito ang laman ng basong minamasdan niya. Nauuhaw ba siya? Naglalasing ba siya? Nagmi-meryenda ba siya? Mahalaga yatang pansinin, anuman ang kalagayan niya, na tumigil siya at nagtanong muna ukol sa iniinom niya. Minsan, iyon naman talaga ang mahalaga. Bago mo inumin ang kung ano pa man ang laman ng baso mo, tingnan mo muna. Nangangalahati pa lang ba, o paubos na? Pahalagahan ang sarap at sustansyang ibibigay sa uhaw mong nararamdaman. Tiyak na sasarap lang ang pag-inom.
Habang sinasagutan nang makatotohanan an evaluation, pagmunihan mo rin kung ano pa ang mga maaari mong gawin upang sulitin at simutin ang mga nalalabing araw sa silid-aralan. Malayo ang mararating ng pagsagot nang maayos sa ebalwasyon. Ito rin ang maipapamana natin sa mga mag-aaral ng mga susunod pang taon, ma mag-aaral sa AHS sa hinaharap. Maaaring dahil sa ating mga sagot, makikita rin ng mga guro ang babaguhin at pananatilihin nila sa mga susunod na taon para sa mga susunod nilang estudyante.
Kaya imbes na isipin lang natin ang ating mga sarili sa pagsagot ng ebalwasyong ito, isipin sana natin ang mas malawak pang larawan: ang nalalabing mga sesyon ng taong-aralang ito, ang pagsisikap ng mga gurong maunawaan tayo, ang mga mag-aaral ng mga susunod na taon, ang buong mithiin ng paaralan nating maging huwarang Mataas na Paaralan ng lahat.
Malay natin, baka dahil sa ebalwasyong ito, baka makuha pa nating mapunan o mapaapaw pa ang nangangalahati o paubos nang baso ng inumin.
Uulitin ko:
Nasa kalahati pa lang tayo ng taon, NGUNIT, kalahati NA LANG ng taon ang nalalabi; magdadapit-hapon na, ngunit magdadapit-hapon pa lang. Magising at mabuhay na, Atenista, ang dami mo pang magagawa, ang dami mo pang masisilayan!
Gawin
Magtapos tayo sa pagdarasal ng Panalanin sa Pagiging Bukas-Palad. Sa ngalan ng Ama…
Panginoon, turuan Mo ako maging bukas-palad.
Na magbigay nang ayon sa nararapat nang walang hinihintay mula sa 'Yo.
Na makibakang di inaalintana ang mga hirap na dinaranas;
Na sa tuwina ay magsumikap nang hindi humahanap ng kapalit na kaginhawaan;
Na walang inaashan at hinihintay kundi ang aking mabatid na ang loob Mo ang siyang sinusundan. Amen.
Sa ngalan ng Ama…