Monday, November 08, 2010

San Estanislao Kostka: Santo at Binata


ni Ronan B. Capinding

Naaalala ko nu’ng magkasalubong kami ni Fr. Eli Lumbo, ang ating APFor.
Sabi niya sa ‘kin, “Ron, sa Nobyembre, buwan ni Saint Stanislaus Kostka. Bagay yata na Office of Student Activities ang manguna sa Monday reflections.“ Ang sagot ko naman agad, “Sure, Father.” At mabilis lang, naghiwalay na kami at nagpatuloy sa paglalakad.

Saka ko naisip, “Student Activities at St. Stanislaus Kostka?”. Hmm, hindi naman mahirap hagilapinang kaugnayan ng dalawa. Una, si San Estanislao ay estudyante at teenager, ang pinakabatang santo sa Kapisanan ni Hesus. Sa loob lamang ng labingwalong taon, naabot niya ang kabanalang hindi basta naaabot ng mga nakatatanda noong panahon niya, o kahit ng matatanda ngayon sa panahon natin. Kaya naman si St. Stanislaus Kostka mismo ang pintakasi (o patron saint) ng Mataas na Paaralang Ateneo. Isa kasi siyang huwarang binata. Isang tinitingalang halimbawa. Kamangha-mangha.

Isa pa, sa kaniya rin kinuha ang pangalan ng ating parangal para sa kabutihang asal at kaginoohandito sa Mataas na paaralang Ateneo. Napakadisiplinadong binata rin kasi ni San Estanislao; mabait
na kasapi ng pamilya, mabait na kaibigan at seminarista, madasalin, at palaiwas sa gulo at tukso.
Kagiliw-giliw. Kagiliw-giliw. Batang Santo. Pintakasi. Kamangha-mangha. Banal. Huwaran ng Kabutihang-asal.

Ano pa ba ang mga astig na bagay ang masasabi tungkol kay San Estanislao? Nariyan pang
nagpakita sa kaniya ang Mahal na Birhen noong maysakit siya dahil taimtim siyang nagdasal na
makatanggap ng sakramento kahit ayaw pumayag noon ng kumukupkop sa kaniya. Nariyan ding
hindi nagbagong-anyo ang kanyang mga labi kahit tatlong taon na siyang sumakabilang-buhay.
Kakaiba talaga. Katangi-tangi.

Aba, makikitang lampas na lampas pa siya sa pagiging basta estudyante lang. Kahit hindi larangan ng Student Activities, mayroon at mayroong makikitang kaugnayan kay San Estanislao. Kaya naman minsan tuloy, mas naididiin kung paano siyang naiiba sa karaniwang binatilyo. Kaya tuloy minsan, hindi natin siya magamit na halimbawa ng estudyanteng karaniwan. Nasasabi tuloy natin kung minsan, “Iba naman kasi si Kostka. Santo siya, e.”

Kaya para naman maiba, subukin natin siyang pag-usapan ngayon bilang karaniwang teenager.
Imbes na banggitin kung ano ang mga nagtatangi sa kanya sa iba pang bata, pansinin natin ngayon kung anu-ano ang naghahawig sa kanya sa mga kaedad niyang tulad ninyo.

Tulad ng marami sa inyo, mahirap dinsiyang awatin. Ayaw niyang paawat. Gustung-gusto niyang
pumasok sa Kapisanan ni Hesus sa napakabatang gulang. Ayaw ng tatay niya. Ayaw rin ng Direktor ng seminaryo sa lugar nila. Pero ayaw niyang paawat, naglakad siya ng napakahabang distansiya, nagbalatkayong pulubi habang naglalakbay, dahil determinado siyang mag-Heswita, kahit sa ibang
seminaryo pa sa labas ng kaniyang bayan. Parang kayo rin, ilang beses nang sinabing huwag
sumali sa ganyang komite, huwag kang mag-volunteer sa ganyang proyekto, huwag maging aktibo sa ganyang samahang pangmag-aaral, huwag nang ituloy’yan dahil naman required. Pero ayaw paawat. Kahit may tiis at dusa, ayaw niyong papigil kung buung-buo na ang loob niyong tumugon sa isang tawag. Batang-bata. Kostkang-Kostka.

Tulad din ninyo, may mga nagpapamiserable rin sa buhay niya. Alam ba ninyong binu-bully parati si Kostka noon? Hindi ng mga kamag-aral o kaibigan niya, kundi ng Kuya niya. Kaya naman mas mahirap dahil hindi talaga niya matatakasan. Lagi siyang inaalaska, inuutusan, binubuntal. Pero hindi siya pinanghinaan ng loob, tulad ng marami sa inyo. Hindi kayo pumapatol sa mga bully. Lalo na kung alam ninyo ang inyong halaga, ang inyong mga pagpapahalaga, ang inyong mga pangarap. Alam kasi ninyo kung sino kayo. At dahil doon, hindi kayang sirain ng kanyang Kuya ang diskarte ni Kostka. Parang siya na nga ang naging mas matanda at parang hinihintay na lang niyang tumanda rin ang kuya niya. Hindi siya pumatol, hindi siya nasira dahil dito. Kaya tuloy, nu’ng mamatay si Kostka, ang kuya niya ang pinakahumagulgol. At dahil sa masidhing pag-ibig sa nakababata niyang kapatid, hinangad din niyang mag-Heswita gaya ng kanyang kapatid.

At tulad uli ninyo, wala naman espesyal o kakaibang pagkakataon si San Estanislao na maging mabuti. Payak at karaniwan din lang ang mga pagkakataong mayro’n siya. Hindi siya bayani ng
digmaan; hindi rin nagpakamartir para sa pananampalataya; hindi naman umakda ng aklat; hindi rin siya naghimala. Wala lang. Karaniwan. Nang makapasok nga siya sa seminaryo, tuwang- tuwa siya dahil mithiin talaga niya ‘yon. Pero ang naging trabaho niya sa seminary kalaunan ay tagawalis ng sahig. Biruin n’yo ‘yon. Liban sa pagdarasal, ang umuubos sa panahon niya ay pagwawalis ng sahig. Parang mas kapana-panabik pa yata ang magbura ng pisara, o mag-class beadle, o mag-prayer leader, o mag-treasurer, o mag-Logistics Committee ng SophComm, o mag- Programs Committee ng Fair o mag-Org Head, o mag-Varsity, kaysa maging tagawalis ng sahig. Pero huwag ka, isa sa mga pinakasikat na hirit ni Kostka ay, "I find a heaven in the midst of saucepans and brooms." (2x). “May nasusumpungan akong langit sa mga dustpan at walis.” Pilyo man at parang walang galang, puwede ring masabing, “Aba, aba, aba! Dinaan ni Kostka sa pagwawalis ang paghantong sa langit.”

O sige nga. Ikaw. Buuin mo nga ngayon sa isip mo ang sarili mong bersiyon ng hirit ni Kostka. “
Dadaanin ko sa (blank) ang paghantong sa langit.” Hindi kailangang humanap ng bago o espesyal na gawain. Kahit ‘yung mga natitipuhan at kayang-kaya mo na ngayon, puwede na ‘yon. Halimbawa:
Dadaanin ko sa “pag-aaral sa pagsusulit” ang paghantong sa langit. Dadaanin ko sa “pagtulong
sa Palig” ang paghantong sa langit. Dadaanin ko sa “pagsisinop ng basura” ang paghantong sa
langit. Dadaanin ko sa “pagbati sa mga nakakasalubong ko” ang paghantong sa langit. Dadaanin ko sa “pagsisimba tuwing alas-siyete ng umaga” ang paghantong sa langit. At iba pa.

Basta dapat sana, mayroon kang Layunin o yayakaping Gawain o Paglilingkod, gaano man kaliit.
Layunin o Gawain o Paglilingkod. Na siyang magtutulak sa iyong higit pang kumayod at higit pang magdasal. Dahil kasi sa mga mithiin, lumalakas tuloy ang iyong pagkayod, lumalakas tuloy ang iyong pagdarasal, at hindi ka kayang tumbahin ng mga pumipigil sa iyo, ng mga nambu-bully at umaalaska sa ‘yo, ng kasimplehan at kahinaan ng papel na naitakda sa ‘yo. ‘Yun siguro ang kitang-kita kay Kostka. Minamalaki niya ang mga pagkakataong naibibigay sa kaniya. “Anuman ‘to, magiging daan ko ito patungong langit. Yayakapin at mamahalin ko ito, ipagdarasal ko ito, at ako ang magiging pinakamahusay at magiting na tagawalis ng sahig.” Ganyan na ganyan din ang tinatawag nating Magis dito sa Ateneo. Hindi nadaraan sa dami o laki ng nagawa, kundi sa pag-ibig na ibinuhos sa
ginawa. Love lang talaga ang Magis. Sabi nga: Lab talaga, at hindi Labis, ang Magis.

Sa halimbawa ni San Estanislao, nakikita nating tila mas masahol pa ang tumunganga kaysa
magkamali. Marami yatang mga santo ang nadapa rin at nagkamali. Pero walang santong
tumunganga. Lahat ng mga santo, nabuhay nang buhay na buhay. At huwag ka sanang tutunganga dahil kayo mo ring mabuhay nang buhay na buhay. Kung 1st year ka, namnamin mo ang mga iniaalok ng buhay- 1st year. Kung 2nd year, 3rd year o 4th year ka, sairin mo ang bulalo ng buhay-2nd year,3rd year o 4th year. Magising ka sana. Magsigla ka. Mabuhay. Ikagat mo nang malalim ang iyong mga ngipin sa anumang gawaing maaari mong pagbuhusan ng sarili at maaaring magtulak sa ‘yo sa taimtim na pagdarasal. Tingnan mo ang kinatawan ng klase mo sa Palig, ang IndAK, ang SophComm, ang Serye-Kabataan, ang mga sumali sa KLIK, at maraming iba pa. Buhay na buhay sila ngayon. Kayod nang kayod at dasal nang dasal sila ngayon dahil may pinili silang yakaping munting paglilingkod. “I find a heaven in the midst of saucepans and brooms.” Lahat ng nakapaligid sa iyong pagkakataon ngayon, malaki man o maliit, nag-aanyaya tungo sa kabanalan. Hindi na hinintay ni San Estanislao ang mga hamong malalaki at pangmatanda; naging santo siya sa pag-atupag sa mga simpleng gawain niya bilang isang binata.

Sa huli, San Estanislao Kostka AT mga Gawaing Pangmag-aaral: magkaugnay na magkaugnay nga. Pagiging Banal AT Pagiging Bata: hindi pala sila malayo o magkasalungat. Santo AT Binatilyo: dahil kay San Estanislao Kostka, alam na nating puwedeng-puwedeng magsabay ang dalawa.

Manalangin tayo. (sign of the cross)

Panginoon, Itulot po Ninyo, Na ang mga larangang aming sinusulit, gaano man sila kasikip, gaanoman sila kapuno ng pasakit, gaano man sila kayaman sa balakid, gaano man sila kapayak at kaliit,nang dahil sa aming pag-ibig at pananalig, ay maghatid nawa sa amin sa langit. Amen

San Estanislao Kostka, Ipanalangin mo kami. (sign of the cross). Magandang umaga, mga binata!