Pagninilay ni JESUS FRANCISCO SERAPIO L. GERONIMO
Habang nag-aayos ako ng mga libro sa silid-aklatan, tumambad sa aking harapan ang librong “O.C.W. A Young Boy’s Search for his Mother” na siyang pumukaw sa aking alaala. Ang ugat ng istorya ay tungkol sa isang batang naghanap sa kanyang ina na kung saan sa kanyang sa murang edad nakaranas siya ng mga pagsubok at hirap sa kanyang paglalakbay. Hiwalay ang mga magulang niya, kaya nagpasya siya na hanapin ang katotohanan.
Parang ako! Naalala ko noong mga limang taong gulang pa lang ako nang iwan kami ng nanay ko. Tatlo kaming magkakapatid; ako ang bunso. Ang tatay ko ang nag-aruga at nagpa-aral sa amin. Narding ang pangalan niya; nagtrabaho siya sa paaralan. Bilib ako sa kanya dahil wala kaming narinig na kahit anong masamang salita tungkol sa aming ina. Bukod sa lahat maka-Diyos at makatao ang tatay ko. Hindi niya pinalitan ang nanay ko, bagkus nagsilbi siya sa simbahan na siyang nagpapalakas at nagbibigay ng pag-asa sa kanya.
Noong mga panahon na iyon, ako naman ay walang magawa dahil bata pa ako. Nang naging "teenager" ako, sumagi sa isipan ko kung nasaan na kaya ang nanay ko at kung ano ang kalagayan niya, masaya ba siya o mahirap ang pinagdadaanan niya? Natanong ko din na bakit wala kaming "family picture," kailan kaya kami magkakaroon ng “family picture?” Tuwing pupunta ako kasi sa bahay ng mga kaibigan at kaklase ko ay nakikita ko ang mga naglalakihang litrato ng pamilya nila. Hindi ako naiingit subalit nagdarasal ako na sana magkaroon din kami ng “family picture.”
Lumaki ako na gaya ni Tonyo sa nabasa kong libro na pinamagatang "O.C.W. A Young boy’s Search for his Mother." Sa kuwentong ito nasasalamin halos ang mga pinagdaanan ko sa buhay. Nabarkada din kasi ako sa mga batang kalye sa Maynila at sa mga mapupusok na kaibigan ko sa lalawigan. Kung anu-anong bisyo ang aking natutunan. Nalampasan ko ang lahat ng iyon.
Kapag sumapit ang alas nuwebe ng gabi at wala pa ako sa bahay ay pinagsasarhan na ako ng pinto. Tulog man sila o gising hindi ako pinagbuksan ng pinto para maging parusa sa akin. Ang ginagawa ko ay tumambay ng magdamag sa katayan ng baboy, baka o kalabaw. Sa madaling salita sa matadero ay naging helper ako, boy o utusan. Naisip ko siguro kung nandito lang ang nanay ko hindi ako ganito. Iyan ang lagi kong sambit pag naiisip ko ang kalagayan ko. Hindi naglaon nakatapos ako ng pag-aaral sa "high school.”
Pagtuntong ko ng kolehiyo natanong ko kung mabuo pa kaya ang pamilya namin at magkaroon din kaya kami ng "family picture"? Nang makatapos ako ng pag-aaral ay may isang anak na kami ng nobya ko na di naglaon ay siya rin ang asawa ko ngayon at sa paaralan din siya nagtatrabaho. Magtatatlo na aming anak nang biglang dumating at bumalik sa amin ang nanay ko. Mahina siya kasi naistrok siya at pinabayaan ng kinasama niya. Nang malaman ng aking ama ang kalagayan ng aking ina ay nagpasya siyang tanggapin muli at alagaan ang aking ina. Pagkaraan ng sampung buwan, nakarekober ang nanay ko. Nakakakwentuhan namin siya. M insan bigla na lang papatak ang luha niya at sabay sabing “patawad mga anak ko,” dahil inaalagaan namin siya pero siya hindi niya kami naalagaan. Naalala ko rin "yung mga nag alaga sa akin nung panahon na wala siya, marami akong nanay pero wala akong ina. Ito ang aking sinasabi sa mga kaibigan ko noon.
Hindi nagtagal nagkaroon din kami ng "family picture." Iyon nga lang nakatayo kaming lahat at si nanay ay nasa kabaong. Samantala, si Tatay ay patuloy pa rin sa pagbibigay ng kanyang sarili ng pagiging kaibigan at ama. Naroroon pa rin sa paglilingkod sa simbahan. Sa edad na pitumpu’t apat naroroon patuloy pa rin siya sa kanyang pagiging gabay sa amin. Sa ngayon nagiging paraan kong makapiling ang tatay ko sa pamamagitan ng pagbubukas ko ng isang libro kung saan masusumpungan ko ang larawan ng tatay ko.
Ikaw, nasasalamin ba ng binabasa mo ang buhay mo?
Sabay nating dasalin ang Ama namin.
Ama namin, sumasalangit ka, sambahin ang ngalan mo, mapasa amin ang kaharian mo, sundin ang loob dito sa lupa para ng sa langit, bigyan mo po kami ngayon ng aming kakanin sa araw-araw. At patawarin mo kami sa aming mga sala, para nang pagpapatawad namin sa mga nagkakasala sa amin. At huwag mo po kaming ipahintulot sa tukso at iadya mo po kami sa lahat ng masama.
Sapagkat sa iyo nagmumula ang kaharian, kapangyarihan at kaluwalhatian, ngayon at magpakailanman , amen.