Monday, September 06, 2010
ANG KAARAWAN NG INANG MARIA
Setyembre. May kung anong hatid ang buwan na ito.Para bang nagbibigay-hudyat sa atin para magsaya at mapuno ng pag-asa.Kapag tumapak na kasi ang kalendaryo sa buwang ito, umpisa na ng countdown.Bawat pisara sa mga silid-aralan ay siguradong may nakasaad na “____ days before Christmas!” Ang mga morning shows sa telebisyon ay may iba’t-ibang choir na umaawit ng Christmas carols, ang mga department stores ay nagdi-display na ng mga naka-eengganyong mga palamuti para sa Pasko,at ang sikat na Policarpio Street sa Mandaluyong ay naghahanda na para i-showcase ang kanilang mistulang Christmas village.Pero teka,bago ang Pasko, kaarawan muna ng ating Mahal na Ina. Setyembre bago Disyembre. Bago isinilang si Kristo, isinilang muna ang kanyang Mahal na Ina. Bakit nga ba natin ipinagdiriwang ang kaarawan ng tinatawag nating lahat na “Mariang Ina Ko”? Gaano ba siya kahalaga sa atin bilang mga Kristyano?
Para sa ating mga Pilipino at maging sa mga tao sa ibang panig ng mundo, ang pagdiriwang ng kaarawan ay isang mahalaga at masayang okasyon. Para bang sa bawat selebrasyon – ke pansit lang at ice cream ang meron, ito ay nagsasabi sa may kaarawan na “ikaw ay espesyal, ikaw ay minamahal, ikaw ay natatangi, masaya kami na nandyan ka.” Ganito rin ba ang ating damdamin o saloobin para sa Mahal na Birheng Maria?
Sa lahat ng masasakit at mahihirap na dinaraanan natin sa buhay, ang Birheng Maria, pareho ng ating mga ina, ang siya nating takbuhan. Sa bingit ng hukay, gusto nating tangan niya ang ating mga kamay sabi nga sa isang awiting pandasal. Ilang beses na ba tayong dumulog sa kanya sa oras ng kalungkutan, kapighatian at matinding pangangailangan? Bakit mayroon siyang shrine sa Edsa? Bakit kaya sa loob ng 300 na taon ay nagawa ng ating mga kababayan sa Bikol na mahalin at magkaroon ng debosyon kay Ina o ang Our Lady of Penafrancia – na isa lamang sa napakaraming imahe ng Mahal nating Ina?
Bakit tayo nagrorosaryo?
Ang kaarawan ng Birheng Maria ay siya lang namang nagbigay-daan sa pagluwal sa Tagapag-ligtas. Si Maria ay ipinagdalang-tao ng kanyang ina na si Anna. Siya na ipinagdalang-tao ay siya ring nagdadala ng mga tao palapit sa Diyos, palapit sa kaligtasan. At ang kaganapan ng lahat ng ating minimithi at pinapangarap ay nanggaling sa kanyang sinapupunan. Paano ba siyang hindi magiging espesyal? Paanong hindi natin mamahalin? Paanong hindi itatangi? At paanong hindi maghahatid ng saya at pag-asa sa atin? Hindi ba’t tulad ng ating mga ina, nilalapitan natin siya bilang ating taga-pamagitan? Kapag may kailangan kay itay at nahihiya o natatakot tayong magsabi, di ba kay inay tayo lumalapit? Kapag tayo’y may sakit, hindi ba’t ang mga nanay natin ang ating tinatawag at gusto laging andyan sa bawat ingit?
Kung kaya’t tulad ng isang anak na mapagmahal sa kanyang Inang natatangi, gusto nating ipagdiwang ang kanyang espesyal na araw. Ano’ng handa ba ang magpapaligaya at makapagpapataba ng kanyang puso? Ano ba ang maaari nating gawin? Sa aking tingin, kaya tayo naglulunsad ng KFD. Ito ang ating regalo sa Mahal nating Ina. Ito ang ating pagpapakita na mahal natin siya dahil mag-aalay tayo ng ating mga sarili upang matugunan ang pangangailangan ng iba pa niyang mga anak na naghihirap. Hindi ba’t ganyan ang nakakapagpasaya sa isang ina? Ang makita ang kanyang mga anak na nagmamahalan at nagtutulungan?
Sa iyo, mahal naming Ina, maligayang kaarawan! “ikaw ay espesyal, ikaw ay minamahal, ikaw ay natatangi, masaya kami na nandyan ka.”
Tayo’y manalangin:
Panginoon,
Kami po ay nagpapasalamat sa inyong pagkakaloob sa amin ng isang Inang Mariang mapagmahal, matiisin, matatag at malalim ang pananamplataya. Ang kanyang kaarawan ay nagbigay-daan sa aming kaligtasan. Harinawa ay kasihan mo kami ng Iyong mahal na grasya upang higit pa naming siyang mahalin at gayahin. Patuloy pa sana niya kaming gabayan ay akayin sa aming paglalakbay tungo sa Iyo, Panginoon ng Kaliwanagan. Amen.
Inihanda ni: Meng N. de Guia
Source of picture: http://campus.udayton.edu/mary//meditations/birthday.html
Labels:
Mary,
Nativity of Mary,
Reflection