Tuesday, August 18, 2009
Homilya Para sa Kapistahan ng Pag-aakyat Kay Maria Sa Langit
ni Padre Pat Falguera, SJ
Aba Ginoong Maria, napupuno ka ng grasya.
Ang Panginoong Diyos ay sumasaiyo.
Bukod kang pinagpala sa babaeng lahat
at pinagpala rin naman ang iyong Anak na si Hesus.
Santa Maria, Ina ng Diyos.
Ipanalangin mo kaming makasalanan.
Ngayon at kung kami’y mamamatay.
Amen.
Sa aking palagay, malamang ito ang isa sa mga unang panalangin itunuro sa atin ng ating mga magulang. Isang panalangin ipinasa sa ating mga lolo at lola, ng kanilang mga lola at lolo. Ilang beses ko na rin kasing nasaksihan ito sa parokya. Kung paano itinuturo ng isang ina o isang ama, ang panalanging ito sa kanyang anak. Bago umalis ng bahay at pumasok sa paaralan. Bago kumain ng hapunan matapos maglaro. Bago matulog matapos gawin ang assignment.
Malamang, unang nagisnan din natin ang panalanging ito mula sa mga madre at mga katekista. Sa unang pagtanggap natin ng mga sakramento ng simbahan. Sa binyag. Sa unang kumpisal. Sa ating first communion. At tila nga nakagisnan na rin natin ang panalanging ito sa iba’t ibang panahon ng ating simbahan. Tuwing Oktubre. Tuwing Pasko at Bagong Taon. Tuwing Biyernes Santo at Linggo ng Muling Pagkabuhay.
Madalas nga, hindi tayo malay na isinasambit na pala natin ang panalanging ito sa samu’t saring ritwal nating mga Pinoy. Bilang panghele sa anak. Habang nagbabantay sa ospital. Habang nakasakay sa FX papuntang opisina. Madalas, nananalangin tayo sa ating Mahal na Ina, kung may hinihiling tayo. Bago tayo mag abroad para magtrabaho ay dinadalaw natin siya sa Antipolo. Bago tayo mag job interview ay nagno-nobena tayo sa Baclaran. Bago tayo mag board exam ay dumadayo pa tayo sa Manaoag.
Napapansin ko nga, madalas may mga rosaryong nakatago sa ating mga bulsa. Lalo nga itong patagong nakalihim sa bulsa ng mga kalalakihan o lantaran na ring nakasabit sa mga motorbike. Ginagamit man natin itong agimat o panlaban sa masama. Ito ang ating dala dala, construction worker man tayo sa site o sales lady sa isang department store. At inilalabas mula sa taguan at idinadasal habang nakatirik ang dyip sa trapik. O di naman kaya’y kung tayo ay pauwi na, sakay ang MRT.
At madalas kung tayo nagkaka-krisis bilang pamilya o sambayanan, ito ang panalanging paulit ulit nating binabanggit. Nakakailang Aba Ginoong Maria kaya ang isang ina habang hinihintay ang results ng kanyang biopsy test? Nakakailang Aba Ginoong Maria kaya ang isang tatay habang isinusugod ang anak na naaksidente at duguan? At nakakailang Aba Ginong Maria kaya ang isang binata habang hinihintay nya ang sagot ng kasintahang nililgawan?
At kung titingnan natin ang kasaysayan ng ating bansa, ilang daang Aba Ginoong Maria kaya ang isinamo ng mga katipunero para makamit ang kalayaan? Ilang daang Aba Ginoong Maria kaya ang ipinalangin ng mga gerilya sa gitna ng digmaan? At ilang libong Aba Ginoong Maria kaya ang isinamo sa EDSA noong 1986 at 2001 sa gitna ng di katiyakan at pag-aalinlangan.
Kung ito ang panalanging ating unang natutunan, tila ito rin ang huling panalangin ating isinasambit sa bingit ng kamatayan. Magdadalawang linggo na noong ating nabalitaan kung paano yumao si Pangulong Cory Aquino. Sa ikalimang misterio ng hapis, huling huminga raw ang ating mahal na Pangulo. At sa mga sumunod na araw, ating nasaksihan kung paano inihatid ng panalanging ito si Tita Cory mula simbahan hanggang sa kanyang huling hantungan.
Bakit kaya malapit sa ating mga puso ang panalanging ito? Sa aking palagay, may tatlong dahilan kung bakit nakagisnan at nakaukit na sa ating mga puso ang panalangin ni Maria. Unang dahilan: dahil sa biyaya at pangako. Ikalawang dahilan: dahil sa galak at pasasalamat. At ikatlong dahilan: dahil sa pagsamo at pagapapaubaya.
Ang unang dahilan, dahil sa biyaya at pangako.
Sa unang pagbasa, narinig natin ang tila isang pangako: Isang babaeng malapit nang manganak ng isang sanggol na itinakdang maghahari sa lahat ng bansa. At sa ebanghelyong ating narinig, ipinamalas naman ang biyaya ng pagdalaw ni Maria sa kanyang pinsang si Isabel. At tila itong biyaya at pangako ay napaloob din sa panalangin para sa ating Mahal na Ina:
Aba Ginoong Maria, napupuno ka ng grasya.
Ang Panginoong Diyos ay sumasaiyo.
Madalas, kapag nagbitiw tayo ng salita na gagawin natin ang isang bagay, ito ay nagiging pangako. Ngunit madalas, mahirap isakatupuran ang isang pangakong binitiwan. Hindi na tayo lalayo pa para mamulat na napakadaling biguin ang mga pangako. Napakadaling ipangako ng kamara ang Comprehensive Agrarian Reform ngunit bakit hanggang ngayon napakahirap pa rin ipamigay ang lupa sa mga magsasaka ng Sumilao? Napakadaling ipangako ng isang pangulo na maganda ang larangan ng ekonomiya ngunit bakit hanggang ngayon hindi pa rin maayos ang mga tirahan ng mga maralita sa Payatas?
Ngunit sa kabila ng mga kabiguan na dulot ng mga pangakong hindi naisakatuparan, nariyan ang biyaya. Dito nag-iiba ang pangako ng Diyos at pangako ng tao. Kung sa tao, may hidwaan ang salita at gawa; sa Diyos, iisa lamang ang salita at ang gawa. Kung ganito nga ang pangako ng Diyos, bakit tila, walang nagiging epekto ang salita ng Diyos? Sa aking palagay, dito papasok ang biyaya. Ito ang biyayang madalaas ipinagkakaloob sa mga mahihirap. Kaya’t sa gitna ng kahirapan at pag-aalinlangan, hindi nating maiwasan manalangin sa ating Mahal na Ina. Na sa pangako ng sanggol sa kanyang sinapupunan, makamit din sana natin ang biyaya na dalawin nya tayo para magkaroon ng malalim na kahulugan ang ating mga buhay.
Ang pangalawang dahilan naman kung bakit malapit sa ating mga puso ang panalanging ito: dahil sa galak at pasasalamat.
Sa ikalawang pagbasa naman, narinig natin ang galak ni San Pablo sa pagpapahayag ng salita ng Diyos na may muling pagkabuhay sa bingit ng kamatayan. At sa ebanghelyong narinig natin, nasaksihan natin ang pasasalamat ni Maria pagkatapos mapuspos si Isabel ng Espiritu Santo. Itong galak at pasasalamat ay mababanaagan din natin sa ikalawang bahagi ng panalangin alay kay Maria:
Bukod kang pinagpala sa babaeng lahat
at pinagpala rin naman ang iyong Anak na si Hesus.
May iba’t ibang larangan ng galak. May galak na katuwaan lamang ng barkada habang nag-iinuman. May galak na dulot ng pag-awit ng alma mater song pagkatapos ipanalo ang isang laro sa UAAP. At may galak na dama ng isang ina pagkaluwal ng kanyang sanggol. Ngunit sa aking palagay, ang pinakamalalim na galak ay yaong galak na may kalakip na kapayapaan. Isang galak na nakabalot sa katahimikan. At sa kabila ng galak na ito ay ang malalim na pasasalamat.
Naisip ko tuloy, ito ata ang dahilan kung bakit tayong mga Pinoy ay patuloy na nakakaraos sa gitna ng kahirapan at paghihikaos. Marami kasi tayong pwedeng pasalamatan. Sa gitna ng gulo sa larangan ng pultiko, nakakalimutan natin na napakaganda ng ating bayan. Masaksihan man natin ang paglubog ng araw sa Caramoan o Camiguin o di kaya’y ang bukang liwayway sa Sagada o Malaybalay. Sa di pagkakasundo ng muslim at kristiyano, nakakalimutan natin ang napakagandang kultura ng Penafrancia sa Bicol at ng Ramadan sa Zamboanga. Sa tingin ko, kung patuloy tayong makapagpasalamat matikman ang tamis ng mangga at malanghap ang amoy ng kabihasnan sa Bulacan, makakamit natin ang tahimik at malalim na kagalakan. Hindi ito naiiiba sa pagtuklas katulad ni San Pablo sa salita ng Diyos at ang pagpuspos ng Espiritu kay Isabel.
At ang huling dahilan kung bakit malapit sa ating mga puso ang panalanging ito, dahil sa pagsamo at pagpapaubaya.
Sa ebanghelyo narinig natin ang pagsamo ni Maria sa kanyang Panginoon: “Dinadakila ng aking kaluluwa ang Panginoon, at nagagalak ang aking tagapagligtas..” Ngunit kalakip nitong pagsamo ni Maria ang kanyang pagpapaubaya na maganap nawa sa kanya ang kalooban ng Diyos. Itong pagsamo at pagpapaubaya ang bumubuo ng huling bahagi ng pagsamo natin sa ating Mahal na Ina:
Santa Maria, Ina ng Diyos.
Ipanalangin mo kaming makasalanan.
Ngayon at kung kami’y mamamatay.
Amen.
Ayon kay San Ignacio, ang mainam na pananaw sa biyaya ay ang pananaw ng isang pulubing nanlilimos ng biyaya. Tila ganito rin ang pagsamo. Pagsamo dahil hindi tayo karapat dapat. Pagsamo kahit tayo ay makasalanan. May iba’t ibang larangan din ng pagsamo. May pagsamo na galing sa isang bata na gustong makipaglaro sa kapitbahay. May pagsamo mula sa kasintahan na hwag muna ibaba ang telepono at ituloy ang kwentuhan. May pagsamo ng isang magulang gustong makapag aral sa Ateneo ang anak. Ngunit kung ang pagsamo ay walang kapalit na kawalan, tila sumasablay ito.
Kaya naman kalakip ng pagsamo ay ang pagpapaubaya na hindi nagiging pabaya. Katulad ng pagsamo ng isang inang nagdadalang tao at ipinapaubaya ang kalusugan ng magiging anak. Katulad ng pagsamo ng isang bilanggong wala namang kasalanan at ipinapaubaya ang kanyang kalayaan. Katulad ng pagsamo natin na ang darating na halalan ay magiging daan ng tunay na pagbabago. Ngunit kailangan nga tayong magpaubaya na kailangangan nating magkaisa at sama sama tayong lahat para buoin at hilumin an gating bayan. Kaya naman tila mahirap talaga magpaubaya. Ngunit may malalim na karunungan na dulot ng pagpapaubaya. At ito nga ang naging karanasan ng Ating Mahal na Ina. Dinakila siya dahil siya ay nagpaubaya. Sa kabila ng kanyang pagsamo na matupad ang pangarap ng Diyos sa tao, nagawa ni Mariang magpaubaya.
Sa tatlong dahilang ito ng biyaya at pangako, ng galak at pasasalamat, at ng pagsamo at pagpapaubaya, nawa’y unti unti tayong namumulat na ang panalangin ng Aba Ginoong Maria ay daan para makamit ang langit at makatawid sa buhay na walang hanggan.
Sa dakilang kapistahan ng Pag-akyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria, tila nababanaagan natin kung paano nakamit ni Maria ang kalangitan. Isang kalangitan na hindi lang natin maaakyat kapag tayo ay sumakabilang buhay na. Ngunit isang kalangitan na matutuklasan natin dito at matutuklasan natin ngayon. Isang mithiin ng kalagitan na ipinamamana sa atin ngayon ng ating Panginoon. At ang landas patungo dito ay nasa halimbawa ni Maria. Sapagkat ang pangako pala ay hahantong sa pasasalamat; at ang pasasalamat naman ay hahantong sa pagpapaubaya. Kalakip ng pagpapaubaya ay ang biyaya; Kalakip ng biyaya ang galak; at kalakakip ng galak ay ang pagsamo na may taglay na pangako.
At habang patuloy nating dinarasal ang Aba Ginoong Maria, mamumulat tayo na lalalim ang ating pananampalataya, pag-asa at pagmamahal. Sa gitna ng biyaya at pangako, namamayani pala ang pananampalataya. Sa gitna ng galak at pasasalamat, matatagpuan pala ang pag-asa. At sa gitna ng pagsamo at pagpapaubaya, magwawagi pala ang pagmamahal. Kaya naman, hanggang may isang batang nagdadasal ng Aba Ginoong Maria nang buong pananampalataya, malalampasan natin ang disyerto at makakamit natin ang lupang pangako. Naniniwala akong hanggang may isang binatang nakaluhod at nagdarasal ng Aba Ginoong Maria, may pag-asa pa rin ang ating bayan. At hanggang may isang lolo na nagdarasal ng Aba Ginoong Maria sa tabi ng kanyang irog, limampung taon na ang nakararaan, mamamayani pa rin ang pagmamahal natin sa kapuwa at sa bayan.
Kaya marahil sa kasaysayan ng ating mga pamilya at sa kasaysayan ng bayan, tugmang tugma ang panalanging ito. Sa panahon man ng kagipitan at di katiyakan, nariyan ang ating Mahal na Ina. Akmang akma ang panalanging ito, maging isa man tayong sundalo isinabak sa Mindanao, o isang pulis na gustong manatiling tapat kahit corrupt na ang hepe ng kanyang himpilan. Tugmang tugma ang panalanging ito, maging estudyante man tayo ng Ateneo, taas noong inaawit pa rin ito sa gitna ng pagkatalo o di kaya’y isang sastre sa Sapang Palay, tuwang tuwa na nakapasa ang kanyang anak sa UP. At masasamahan tayo ng panalanging ito sa gitna ng kadiliman at kahirapan. Sa simbahan na matatagpuan sa tagpi tagping barung barong sa Navotas na malapit nang ma-demolish. O di kaya’y sa mga nagsisilakihang mga simbahan sa Rome at Milan, punung puno ng ating mga kababayang sabik umuwi dahil malayo sa mga pinanggalingan. Mapapasaatin ang panalanging ito sa gitna ng paghahanap natin ng kasagutan sa napakasalimuot na suliranin ng ating bayan. Sa gitna ng mga tanong na tila walang kasagutan.
Batid kong lahat tayo dito ngayon ay mga ipinapanalanging mga biyaya at pangako. Batid kong lahat tayo dito ngayon ay may nais ipaabot na galak at pasasalamat. At batid kong lahat tayo dito ngayon ay may itinatagong mga pagsamo at pagpapapaubaya. Kaya’t sa gitna ng katahimikan at sa gabay ng ating mahal na Ina, taglay ang pananampalataya, pag-asa at pagmamahal, manalangin tayo ngayon:
Aba Ginoong Maria, napupuno ka ng grasya.
Ang Panginoong Diyos ay sumasaiyo.
Bukod kang pinagpala sa babaeng lahat
at pinagpala rin naman ang iyong Anak na si Hesus.
Santa Maria, Ina ng Diyos.
Ipanalangin mo kaming makasalanan.
Ngayon at kung kami’y mamamatay.
Amen.