Tuesday, August 11, 2009

Dakilang Kapistahan ng Pag-aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria


Noong nakaraang linggo, nagluksa ang buong sambayanang Pilipino sa pagpanaw ng dating Pangulong Corazon C. Aquino. Sa huling pagkakataon muling nagbuklod ang buong sambayanan upang ipakita ang ating pagmamahal at suporta kay Pangulong Cory, na siyang naging instrumento ubang maibalik ang demokrasya sa ating bansa. Patunay dito ang libo-libong mga taong nagpakita ng suporta at pagmamahal kay Cory sa araw ng kanyang libing sa kabila nang malakas na buhos ng ulan. Maging sa kamatayan, patuloy pa rin tayong pinag-kakaisa ni Pangulong Cory. Tunay mang masakit para sa ating mga Pilipino ang paglisan niya, nakita pa rin natin ang pagkilos ng Diyos sa ganitong pagkakataon. Naipakita natin na kaya nating muling magkaisa para sa isang adhikain. Sa pamamagitan nito, nabuhay at nag-init muli sa bawat isa ang pag-asa para sa ating bayan.

Ngayong buwan ng Agosto ipagdiriwang natin ang Kapistahan ng Pag-aakyat sa Langit sa Mahal na Birheng Maria. Ito’y isang mahalangang katuruan ng Simbahang Katolika na nagsasaad na si Maria, sa pagtatapos ng kanyang pag-iral sa lupa ay iniakyat ng Panginoon sa langit, “kaluluwa’t katawan”. Mas makatutulong marahil na unawain natin ang pagdiriwang na ito hindi batay sa pisikal na pag-akyat ni Maria sa langit kundi ang mas malalim na kahulugan nito sa ating buhay pananampalataya.

Ang pag-aakyat sa langit kay Maria ay bunga ng kanyang pagtugon sa tawag ng Panginoon na maging Ina ng Diyos. Ipinakita ni Maria ang kanyang buong pusong pagtugon sa tawag ng Diyos kahit hindi niya lubusang batid at nauunawaan ito. “Narito ang lingkod ng Panginoon. Maganap nawa sa akin ang ayon sa wika mo.” (Lucas 1:38) Para sa ilan sa atin, mahirap sumuong sa isang sitwasyon na hindi natin lubos na nalalaman ang kahihinatnan. Sa kabila ng maaring nadamang takot o pagdududa, ipinagkatiwala niya pa rin ang kanyang sarili sa Diyos. Pikit matang nagpaubaya si Maria sa naisin ng Diyos. Nagpamalas siya ng pagtataya ng sarili sa ninanais ng Panginoon hindi lamang para sa kanyang kapakanan ngunit para sa kaligtasan ng lahat. Dahil sa buong pusong pagtanggap ni Maria, biniyayaan siya ng natatanging lugar sa langit kapiling ng Panginoong Hesus.

Gaya ni Maria, si Pangulong Cory ay naharap din sa katulad na situwasyon. Bago niya tinanggap ang ‘tawag’ sa kanya upang maging Pangulo ng Pilipinas, siya ay isang pangkaraniwang maybahay at ina. Ngunit sa kabila ng kawalan ng katiyakan, buong pananampalataya at tiwala niyang inialay ang kanyang buhay at pagsisilbi para sa kapakanan nating mga Pilipino. May malalim na pananalig si Pangulong Cory, hindi lamang sa Diyos, kundi sa sambayanang Pilipino.

Si Maria ay tunay ngang pinagpala ng Panginoon. Isinabuhay niya ang langit sa sangkalupaan hanggang matamo ang kaganapan nito sa piling ng Panginoon nang maiakyat siya sa langit. Ang misyong ginampanan ni Maria ay hindi nangangahulugang iba siya sa atin. Ang niloob ng Panginoon para kay Maria ay siya ring niloloob ng Panginoon para sa ating lahat. Nais ng Panginoon na tayo ay Kanyang makapiling habambuhay. Ang karanasan ni Maria na makapiling ang Panginoon sa panibagong buhay ay nagbibigay sa atin ng pag-asa at pag-asam na balang araw ay makakapiling din natin ang Panginoon na siyang lumikha sa atin. Dahil sa espesyal na grasyang natamo ni Maria, tayo rin ay nakikinabang sa biyayang ito dahil naipapaabot natin ang ating mga panalangin kay Hesus sa pamamagitan ng kanyang inang si Maria.

Manalangin tayo…

Panginoong Hesus,
Gaya ng halimbawang ipinakita ng pumanaw na Pangulong Cory Aquino, dumulog din sana kami sa iyong Ina, nang maipaabot niya ang mga panalangin namin sa Iyo. Sa paraang ito, mabuo nawa ang aming bayan sa mga gawain ng pagkakaisa at sa pagdarasal namin para sa isa’t isa. Pahintulutan niyo nawang maranasan ng bawat isa sa amin ang langit sa sangkalupaan hanggang bigyan mo ito ng kaganapan sa pagdating ng araw na iyong itinakda. Amen.