Monday, September 20, 2010
Maging Daan ng Pagpapalaya
Ngayon ang bisperas ng paggunita ng Pagdedeklara ng Batas Militar noong 1972. Tatlumpu’t walong (38) taon ang nakaraan nang maranasan ng sambayanan ang bangungot na ito at marami ang nais na lumimot dahil sa mga masasamang naging dulot nito. Kaya bihira na itong binabanggit. Marahil kakaunti na lang ang nakakaalam sa inyo nito dahil malayo ito sa inyong karanasan. O kaya, talagang wala nang nakaaalala dahil madali raw makalimot ang mga Pilipino.
Samantala, may manaka-naka pa ring nagtatanong –“E, bakit nga bang dapat itong maalala?
Maraming historyador, manunulat, makata at iba pang mga pantas ang nagsasabing ang panahong ito ang maituturing na Panahon ng Kadiliman o Dark Ages ng Pilipinas, dahil nawala ang kalayaang tinatamasa nito sa matagal nang panahon. Sa isang bagsak ng batas na madaliang itinalaga, namatay ang ilaw ng kalayaang tinatamasa ng mga Pilipino. Ang mga pahayagan, radyo, sine at ano mang uri ng media ay hawak at kontrolado ng mga kinauukulan. Bawal na ang magsalita ng masama laban sa pamahalaan. Bawal ang magpahayag ng sarili, bawal ang magpagabi, bawal ang magsulat sa mga pader. Bawal dito, bawal doon. Kung anu-anong bawal ang lumaganap noon. Sa pagkawala ng KALAYAAN, doon nadama kung gaano ito kahalaga.
Ano nga ba ang kalayaan? Ang akala ng iba, ang pagiging malaya ay ang kakayahang gawin ang lahat ng nais mo, kahit saan at kailan mo gusto. Subali’t kung hihimayin ang salitang ito, naroon ang KA na ang ibig sabihin ay may kasama, maaaring tayo o ibang indibiduwal, at ang salitang LAYA o freedom o pagkawala o pagkahulagpos. Sa gayon, ang kalayaan ay hindi pansarili lamang, kaakibat nito ang kapwa. Ang pagiging malaya ay hindi lang para sa sarili kundi pagkilala rin sa kalayaan ng iba. Ang pagpapalaya ng sarili ay pagpapalaya rin ng iba.
Paano nga ba natin isinasabuhay ito? Paano natin ginagamit ang kalayaan? Ginagamit ba natin ito para sa kapwa lampas sa sarili? Ginagamit ba natin ito upang magawa ang nararapat at tama? Ginagamit ba natin ito upang ipahayag ang katotohanan o para ipagkalat ang kasinungalingan? Ginagamit ba natin ito upang bumuo o gumiba ng pagkatao ng iba ? Ginagamit ba natin ito upang huwag gawin ang kaya dahil hawak naman natin ang buhay at sarili ? O ginagamit ito upang maipahayag at maipakita ang ating “pinaka” – galing at lakas?
Sa iba’t ibang pagkakataon, tayo’y hinahamong maging mabuti at karapatdapat na behikulo ng kalayaan. Handa ba tayo sa tawag na ito ? Kaya ba nating panindigan ang kaakibat nitong pagpapakasakit? Winika nga ni Mohandas K. Gandhi ,ang dakilang bayani ng India, “In order to be independent and free, we must prove ourselves worthy of it.” Kung minsan,nasasayang ang kalayaan dahil nabubusabos, naaabuso o kaya’y napapabayaan ito. Kaya’t makararanas at makararanas tayo ng kawalang kalayaan, hangga’t hindi natin ito pinagyayabong at pinangangalagaan. Ang kalayaan ay hindi ibinibigay, ito ay ipinaglalaban. Ang kalayaan ay para lamang sa mga matatapang na kayang yakapin ang kakambal nitong pananagutan. Ang ayaw ng pananagutan ay nanatiling may piring ang mata at nakagapos ang kamay at paa.
Manalangin tayo:
Panginoon, alam naming pumapasok Ka sa daloy ng kasaysayan. Ikaw, na nag-alay ng buhay upang kami’y lumaya sa kasalanan. Nawa’y maging karapatdapat kami sa pagpapalaya Mong ito. Nawa’y kami’y Iyong maging mata upang makita namin ang katotohanan; Iyong tenga upang marinig namin ang daing ng aming kapwa; Iyong bibig upang maipahayag ang katotohanan; Iyong kamay at paa upang kumilos tungo sa ikabubuti ng lipunan. Nawa’y magamit namin ang kalayaang Iyong alay tungo sa pagpapalaya rin ng aming kapwa. Amen.
Estela Banasihan
Guro, Araling Panlipunan II at III