Wednesday, November 17, 2010

Meet the Jesuits (MTJ)



Last Saturday, 13 November 2010, 24 Juniors and Seniors of the Ateneo de Manila High School attended the Meet the Jesuits (MTJ) session. For one full day, it was all about knowing the Jesuits, and their stages of religious formation.

The AHS students listened to many Jesuit vocation stories and visited the following Jesuit formation houses: the Jesuit Residence , where a hearty lunch was served, the Loyola House of Studies where they went up to "Titanic", and the Arrupe International Residence, where the AHS students had recreation and met young scholastics from Myanmar and East Timor. The day ended at the Arvisu Pre-Novitiate House at Varsity Hills, where the Sunday anticipated Mass was celebrated.

Many thanks to the Jesuit Vocation Promotion Team, Bro. Jody Magtoto, S.J, Fr. Manny Perez, S.J., Fr. Bill Kreutz, S.J., Fr. Jun Viray, S.J., Fr. Lester Maramara, S.J., Fr. Xavier Olin, S.J., Fr. Eli Lumbo, S.J. and the Jesuit Pre-novices at the Arvisu House.

The MTJ was a sneak peek into the life of the Jesuits. We hope that some day, many AHS students choose the priestly vocation, and serve the Lord by becoming a Jesuit
.

Monday, November 08, 2010

San Estanislao Kostka: Santo at Binata


ni Ronan B. Capinding

Naaalala ko nu’ng magkasalubong kami ni Fr. Eli Lumbo, ang ating APFor.
Sabi niya sa ‘kin, “Ron, sa Nobyembre, buwan ni Saint Stanislaus Kostka. Bagay yata na Office of Student Activities ang manguna sa Monday reflections.“ Ang sagot ko naman agad, “Sure, Father.” At mabilis lang, naghiwalay na kami at nagpatuloy sa paglalakad.

Saka ko naisip, “Student Activities at St. Stanislaus Kostka?”. Hmm, hindi naman mahirap hagilapinang kaugnayan ng dalawa. Una, si San Estanislao ay estudyante at teenager, ang pinakabatang santo sa Kapisanan ni Hesus. Sa loob lamang ng labingwalong taon, naabot niya ang kabanalang hindi basta naaabot ng mga nakatatanda noong panahon niya, o kahit ng matatanda ngayon sa panahon natin. Kaya naman si St. Stanislaus Kostka mismo ang pintakasi (o patron saint) ng Mataas na Paaralang Ateneo. Isa kasi siyang huwarang binata. Isang tinitingalang halimbawa. Kamangha-mangha.

Isa pa, sa kaniya rin kinuha ang pangalan ng ating parangal para sa kabutihang asal at kaginoohandito sa Mataas na paaralang Ateneo. Napakadisiplinadong binata rin kasi ni San Estanislao; mabait
na kasapi ng pamilya, mabait na kaibigan at seminarista, madasalin, at palaiwas sa gulo at tukso.
Kagiliw-giliw. Kagiliw-giliw. Batang Santo. Pintakasi. Kamangha-mangha. Banal. Huwaran ng Kabutihang-asal.

Ano pa ba ang mga astig na bagay ang masasabi tungkol kay San Estanislao? Nariyan pang
nagpakita sa kaniya ang Mahal na Birhen noong maysakit siya dahil taimtim siyang nagdasal na
makatanggap ng sakramento kahit ayaw pumayag noon ng kumukupkop sa kaniya. Nariyan ding
hindi nagbagong-anyo ang kanyang mga labi kahit tatlong taon na siyang sumakabilang-buhay.
Kakaiba talaga. Katangi-tangi.

Aba, makikitang lampas na lampas pa siya sa pagiging basta estudyante lang. Kahit hindi larangan ng Student Activities, mayroon at mayroong makikitang kaugnayan kay San Estanislao. Kaya naman minsan tuloy, mas naididiin kung paano siyang naiiba sa karaniwang binatilyo. Kaya tuloy minsan, hindi natin siya magamit na halimbawa ng estudyanteng karaniwan. Nasasabi tuloy natin kung minsan, “Iba naman kasi si Kostka. Santo siya, e.”

Kaya para naman maiba, subukin natin siyang pag-usapan ngayon bilang karaniwang teenager.
Imbes na banggitin kung ano ang mga nagtatangi sa kanya sa iba pang bata, pansinin natin ngayon kung anu-ano ang naghahawig sa kanya sa mga kaedad niyang tulad ninyo.

Tulad ng marami sa inyo, mahirap dinsiyang awatin. Ayaw niyang paawat. Gustung-gusto niyang
pumasok sa Kapisanan ni Hesus sa napakabatang gulang. Ayaw ng tatay niya. Ayaw rin ng Direktor ng seminaryo sa lugar nila. Pero ayaw niyang paawat, naglakad siya ng napakahabang distansiya, nagbalatkayong pulubi habang naglalakbay, dahil determinado siyang mag-Heswita, kahit sa ibang
seminaryo pa sa labas ng kaniyang bayan. Parang kayo rin, ilang beses nang sinabing huwag
sumali sa ganyang komite, huwag kang mag-volunteer sa ganyang proyekto, huwag maging aktibo sa ganyang samahang pangmag-aaral, huwag nang ituloy’yan dahil naman required. Pero ayaw paawat. Kahit may tiis at dusa, ayaw niyong papigil kung buung-buo na ang loob niyong tumugon sa isang tawag. Batang-bata. Kostkang-Kostka.

Tulad din ninyo, may mga nagpapamiserable rin sa buhay niya. Alam ba ninyong binu-bully parati si Kostka noon? Hindi ng mga kamag-aral o kaibigan niya, kundi ng Kuya niya. Kaya naman mas mahirap dahil hindi talaga niya matatakasan. Lagi siyang inaalaska, inuutusan, binubuntal. Pero hindi siya pinanghinaan ng loob, tulad ng marami sa inyo. Hindi kayo pumapatol sa mga bully. Lalo na kung alam ninyo ang inyong halaga, ang inyong mga pagpapahalaga, ang inyong mga pangarap. Alam kasi ninyo kung sino kayo. At dahil doon, hindi kayang sirain ng kanyang Kuya ang diskarte ni Kostka. Parang siya na nga ang naging mas matanda at parang hinihintay na lang niyang tumanda rin ang kuya niya. Hindi siya pumatol, hindi siya nasira dahil dito. Kaya tuloy, nu’ng mamatay si Kostka, ang kuya niya ang pinakahumagulgol. At dahil sa masidhing pag-ibig sa nakababata niyang kapatid, hinangad din niyang mag-Heswita gaya ng kanyang kapatid.

At tulad uli ninyo, wala naman espesyal o kakaibang pagkakataon si San Estanislao na maging mabuti. Payak at karaniwan din lang ang mga pagkakataong mayro’n siya. Hindi siya bayani ng
digmaan; hindi rin nagpakamartir para sa pananampalataya; hindi naman umakda ng aklat; hindi rin siya naghimala. Wala lang. Karaniwan. Nang makapasok nga siya sa seminaryo, tuwang- tuwa siya dahil mithiin talaga niya ‘yon. Pero ang naging trabaho niya sa seminary kalaunan ay tagawalis ng sahig. Biruin n’yo ‘yon. Liban sa pagdarasal, ang umuubos sa panahon niya ay pagwawalis ng sahig. Parang mas kapana-panabik pa yata ang magbura ng pisara, o mag-class beadle, o mag-prayer leader, o mag-treasurer, o mag-Logistics Committee ng SophComm, o mag- Programs Committee ng Fair o mag-Org Head, o mag-Varsity, kaysa maging tagawalis ng sahig. Pero huwag ka, isa sa mga pinakasikat na hirit ni Kostka ay, "I find a heaven in the midst of saucepans and brooms." (2x). “May nasusumpungan akong langit sa mga dustpan at walis.” Pilyo man at parang walang galang, puwede ring masabing, “Aba, aba, aba! Dinaan ni Kostka sa pagwawalis ang paghantong sa langit.”

O sige nga. Ikaw. Buuin mo nga ngayon sa isip mo ang sarili mong bersiyon ng hirit ni Kostka. “
Dadaanin ko sa (blank) ang paghantong sa langit.” Hindi kailangang humanap ng bago o espesyal na gawain. Kahit ‘yung mga natitipuhan at kayang-kaya mo na ngayon, puwede na ‘yon. Halimbawa:
Dadaanin ko sa “pag-aaral sa pagsusulit” ang paghantong sa langit. Dadaanin ko sa “pagtulong
sa Palig” ang paghantong sa langit. Dadaanin ko sa “pagsisinop ng basura” ang paghantong sa
langit. Dadaanin ko sa “pagbati sa mga nakakasalubong ko” ang paghantong sa langit. Dadaanin ko sa “pagsisimba tuwing alas-siyete ng umaga” ang paghantong sa langit. At iba pa.

Basta dapat sana, mayroon kang Layunin o yayakaping Gawain o Paglilingkod, gaano man kaliit.
Layunin o Gawain o Paglilingkod. Na siyang magtutulak sa iyong higit pang kumayod at higit pang magdasal. Dahil kasi sa mga mithiin, lumalakas tuloy ang iyong pagkayod, lumalakas tuloy ang iyong pagdarasal, at hindi ka kayang tumbahin ng mga pumipigil sa iyo, ng mga nambu-bully at umaalaska sa ‘yo, ng kasimplehan at kahinaan ng papel na naitakda sa ‘yo. ‘Yun siguro ang kitang-kita kay Kostka. Minamalaki niya ang mga pagkakataong naibibigay sa kaniya. “Anuman ‘to, magiging daan ko ito patungong langit. Yayakapin at mamahalin ko ito, ipagdarasal ko ito, at ako ang magiging pinakamahusay at magiting na tagawalis ng sahig.” Ganyan na ganyan din ang tinatawag nating Magis dito sa Ateneo. Hindi nadaraan sa dami o laki ng nagawa, kundi sa pag-ibig na ibinuhos sa
ginawa. Love lang talaga ang Magis. Sabi nga: Lab talaga, at hindi Labis, ang Magis.

Sa halimbawa ni San Estanislao, nakikita nating tila mas masahol pa ang tumunganga kaysa
magkamali. Marami yatang mga santo ang nadapa rin at nagkamali. Pero walang santong
tumunganga. Lahat ng mga santo, nabuhay nang buhay na buhay. At huwag ka sanang tutunganga dahil kayo mo ring mabuhay nang buhay na buhay. Kung 1st year ka, namnamin mo ang mga iniaalok ng buhay- 1st year. Kung 2nd year, 3rd year o 4th year ka, sairin mo ang bulalo ng buhay-2nd year,3rd year o 4th year. Magising ka sana. Magsigla ka. Mabuhay. Ikagat mo nang malalim ang iyong mga ngipin sa anumang gawaing maaari mong pagbuhusan ng sarili at maaaring magtulak sa ‘yo sa taimtim na pagdarasal. Tingnan mo ang kinatawan ng klase mo sa Palig, ang IndAK, ang SophComm, ang Serye-Kabataan, ang mga sumali sa KLIK, at maraming iba pa. Buhay na buhay sila ngayon. Kayod nang kayod at dasal nang dasal sila ngayon dahil may pinili silang yakaping munting paglilingkod. “I find a heaven in the midst of saucepans and brooms.” Lahat ng nakapaligid sa iyong pagkakataon ngayon, malaki man o maliit, nag-aanyaya tungo sa kabanalan. Hindi na hinintay ni San Estanislao ang mga hamong malalaki at pangmatanda; naging santo siya sa pag-atupag sa mga simpleng gawain niya bilang isang binata.

Sa huli, San Estanislao Kostka AT mga Gawaing Pangmag-aaral: magkaugnay na magkaugnay nga. Pagiging Banal AT Pagiging Bata: hindi pala sila malayo o magkasalungat. Santo AT Binatilyo: dahil kay San Estanislao Kostka, alam na nating puwedeng-puwedeng magsabay ang dalawa.

Manalangin tayo. (sign of the cross)

Panginoon, Itulot po Ninyo, Na ang mga larangang aming sinusulit, gaano man sila kasikip, gaanoman sila kapuno ng pasakit, gaano man sila kayaman sa balakid, gaano man sila kapayak at kaliit,nang dahil sa aming pag-ibig at pananalig, ay maghatid nawa sa amin sa langit. Amen

San Estanislao Kostka, Ipanalangin mo kami. (sign of the cross). Magandang umaga, mga binata!

Thursday, November 04, 2010

Pagninilay Matapos ang Nakabibiting Sembreak

Magandang umaga, mga Atenista. Ako si Chot, mula sa klaseng 4B, ang inyong Sanggu Chairman. At nagpapasalamat ako sa APFor sa pagkakataong itong manguna sa pagninilay, sa umagang ito ng pangalawang araw matapos ang ating sembreak. At malamang kaisa ko kayo sa pagsabing,

“Bitin!”, “Nakakatamad pa.”, “Ang ikli naman.”, “SEMBREAK BA ‘YON?”. Kahapon, kinukwenta ko kung gaano nga ba talaga kahaba (o kaikli) yung “bakasyong” kalilipas lamang. Pitong araw lang. Kaso, isa doon sa pito, nagamit sa kakatrabaho para sa mga nakatambak na proyekto at gawaing bahay sa iba’t ibang asignatura at, para naman sa mga guro, sa pagwawasto ng mga proyekto’t pagsusulit ng mga mag-aaral.

Isa pang araw naman para sa pagpunta sa probinsya para bisitahin ang puntod ng mga sumakabilang-buhay na kamag-anak at mahal-sa-buhay. At ang dalawa roon, ang Sabado at Linggo, ay talaga namang wala dapat pasok. At para sa mga guro naman, maaari pa sigurong mabawasan ng isa pa, gawa ng pamamahinga nang isang buong araw matapos ang pagod at saya sa mga pangyayari noong Delaney-Duffy Day rito sa Ateneo at sa Trinoma.

Pitong araw nga ba? Mukhang hihirit ang karamihang mga tatlo o dalawang araw lang siguro. Mukhang bitin nga.

Ngunit, bago niyo pa ako tulugan sa limang minutong nakalaan para sa pagninilay na ito, sa pagnanais ninyong pahabain pa ang sembreak na bitin, hinihiling ko sa inyo na gumising! Gising na tayo, mga kapatid kong Atenista! Kalahati pa ng taon ang hinaharap nating lahat! At kung sa limang minutong ito, ay hindi mo pa makuhang buhayin ang sarili, baka maiwanan ka ng mabilis na paglipas ng panahon. Kalahati NA LANG ng taon ang natitira. Halos kulang na nga sa kalahati ng taon. Ngayon, kung ang buong taong ito ang titingnan natin at hindi ang sembreak lang, malamang masasabi natin nang mas seryoso na mukhang bitin nga ‘ata.

Bitin. Sa pagkakataong ito, mabuti sigurong lumingon at tingnan ang mahabang landas na tinahak natin sa nakaraang mga buwan ng taong-aralang ito. Mahalaga rin sigurong timbangin natin ang ating mga sarili sa puntong ito: Ginawa ko na ba ang lahat ng makakaya ko bilang mag-aaral ng paaralang ito?

Maya-maya ri’y sasagutan na natin ang mga ebalwasyon para sa mga guro natin. Dahil sa ebalwasyong ito, natatauhan tayong pati pala ang ating mga guro, nagsisikap ding pagbutihin parati ang kanilang pagtuturo sa atin. Tayo mismong mga tinuturuan nila ang tinatanong nila ngayong nangangalahati na ang taon ng, “Kumusta ba? Ano ba ang palagay mo sa pagsisikap kong hubugin ka?” Tulungan sana natin silang makalap at mabasa ang mga kailangan nilang malaman, ang mga hinihingi nilang malaman mula sa atin.

Naaalala ko tuloy ang huling sesyon natin bago mag-sembreak, ang Delaney-Duffy Day. Sa sesyon nating iyon, ipinaramdam natin sa mga guro ang ating pagpupugay at pasasalamat sa kanila. Ipinadama natin sa kanila kung gaano natin sila pinahahalagahan. Sinikap natin silang pasayahin; sinikap nating patabain ang kanilang mga puso. Marahil, napasaya natin sila, kahit paano. Pero hindi nila iyon hinihingi. Pagkukusa natin ‘yon. Sana, natuwa sila.

Ngayon, itong evaluation ang talagang hinihingi nila mula sa atin. Gawin sana natin ito nang makatwiran at makatotohanan. Ibigay natin ngayon ang matitinong sagot natin sa mga tanong nilang, “Kumusta ba? Ano ba ang palagay mo sa pagtuturo ko?”

Ang hantungan ng mga evaluation forms na ito ay ang mismong mga guro natin. Hindi ang Punong-Guro o ang Pangulo ng Pamantasan. Hindi uubra ngayon ang ating mga walang-basehang pambobola o paninira sa kanila. Sila mismo ang babasa nito. At matatalino ang mga guro natin. Naitatangi nila ang mga sagot na may katuturan mula sa wala. Kaya huwag sana nating sayangin ang pagkakataon itong makatulong sa kanila sa pagsisikap nilang maunawaan tayo at paghusayin pa ang paglilingkod nila sa atin.

Isa lamang ito sa mga pamamaraan upang maabot ng mga guro natin ang mithiing nais din nating abutin – ang gawing mas mayaman, masaya at makabuluhan ang bawat minutong pamamalagi natin sa loob ng silid aralan. Gamitin nating lahat ang pagkakataong ito para pasalamatan at pahalagahan ang lahat ng natanggap natin sa mga nakaraang buwan dito sa Ateneo, at magbigay-pugay sa pamamagitan ng paglalahad ng mga mungkahi para sa ikabubuti pa ng ating samahan bilang guro at estudyante.

Nangangalahati na tayo, at sa mga pagkakataong ganito, karaniwang ginagamit ang kasabihan tungkol sa basong may laman: “Is the glass half full or half empty?” Ikaw ba ‘yung taong nakatingin lang parati sa bahaging walang laman, o sa bahaging may laman?

Isa pang pagmumuni: “Is the glass half full or half empty?” Hanggang ngayon, hindi ko alam kung bakit hindi na lang inumin ng kung sino mang nag-imbento ng kasabihang ito ang laman ng basong minamasdan niya. Nauuhaw ba siya? Naglalasing ba siya? Nagmi-meryenda ba siya? Mahalaga yatang pansinin, anuman ang kalagayan niya, na tumigil siya at nagtanong muna ukol sa iniinom niya. Minsan, iyon naman talaga ang mahalaga. Bago mo inumin ang kung ano pa man ang laman ng baso mo, tingnan mo muna. Nangangalahati pa lang ba, o paubos na? Pahalagahan ang sarap at sustansyang ibibigay sa uhaw mong nararamdaman. Tiyak na sasarap lang ang pag-inom.

Habang sinasagutan nang makatotohanan an evaluation, pagmunihan mo rin kung ano pa ang mga maaari mong gawin upang sulitin at simutin ang mga nalalabing araw sa silid-aralan. Malayo ang mararating ng pagsagot nang maayos sa ebalwasyon. Ito rin ang maipapamana natin sa mga mag-aaral ng mga susunod pang taon, ma mag-aaral sa AHS sa hinaharap. Maaaring dahil sa ating mga sagot, makikita rin ng mga guro ang babaguhin at pananatilihin nila sa mga susunod na taon para sa mga susunod nilang estudyante.

Kaya imbes na isipin lang natin ang ating mga sarili sa pagsagot ng ebalwasyong ito, isipin sana natin ang mas malawak pang larawan: ang nalalabing mga sesyon ng taong-aralang ito, ang pagsisikap ng mga gurong maunawaan tayo, ang mga mag-aaral ng mga susunod na taon, ang buong mithiin ng paaralan nating maging huwarang Mataas na Paaralan ng lahat.

Malay natin, baka dahil sa ebalwasyong ito, baka makuha pa nating mapunan o mapaapaw pa ang nangangalahati o paubos nang baso ng inumin.

Uulitin ko:

Nasa kalahati pa lang tayo ng taon, NGUNIT, kalahati NA LANG ng taon ang nalalabi; magdadapit-hapon na, ngunit magdadapit-hapon pa lang. Magising at mabuhay na, Atenista, ang dami mo pang magagawa, ang dami mo pang masisilayan!

Gawin sana nating mabuti ang ebalwasyon para sa ating mga guro.

Magtapos tayo sa pagdarasal ng Panalanin sa Pagiging Bukas-Palad. Sa ngalan ng Ama…

Panginoon, turuan Mo ako maging bukas-palad.
Turuan Mo akong maglingkod sa Iyo,
Na magbigay nang ayon sa nararapat nang walang hinihintay mula sa 'Yo.

Na makibakang di inaalintana ang mga hirap na dinaranas;
Na sa tuwina ay magsumikap nang hindi humahanap ng kapalit na kaginhawaan;
Na walang inaashan at hinihintay kundi ang aking mabatid na ang loob Mo ang siyang sinusundan. Amen.

Sa ngalan ng Ama…